Ang mga larong kalye o laro ng lahi ay isa sa bumubuo sa pagkabata ng isang Pilipino. Dito unang nalilinang ang ating pakikipagkapwa, pagkatutong mag-isip at gumawa ng desisyon na alam nating makakabuti para sa atin. Sa paglipas nang panahon marami sa mga bata ngayon ang hindi na alam ang mga nakagisnan nating laro dahil sa paggamit ng teknolohiya.
MGA HALIMBAWA NG LARONG KALYE
PATINTERO
Nilalaro ito ng dalawang pangkat na may magkatulad na bilang ng miyembro. Ang bilang ng miyembro ay alinsunod sa mga guhit na dapat bantayan sa loob ng rektanggulo. Pinakamaliksi ang nagbabantay sa patúto(gitna). Ang tungkulin ng mga taya ay huwag papasukin sa rektanggulo ang sinuman sa kalabang pangkat. Ginagamit ang kamay sa pagtaya o pagharang sa kalaban. Mahalaga dito ang linlangan at liksi. Kailangang makapasok nang hindi natataga mula sa unang guhit ang “lumulusob,” makaraan sa mga guhit na dibisyon, makalabas sa huling guhit ng rektanggulo, muling makapasok at makabalik sa pinagmulan upang magwagi. Kapag nataga ang sinuman sa “lumulusob”, ang pangkat ng “lumulusob” naman ang humahaliling taya.
TUMBANG PRESO
Sa larong ito, kailangang mayroong isang lata na walang laman, karaniwang basyong lata ng gatas, na magsisilbing target ng mga manlalaro. Ang bawat manlalaro rin ay kailangang may hawak na pamato na karaniwan ay tsinelas. Sa preparasyon ng laro, ilalagay ang lata, 6-8 metro ang layo mula sa linyang pupuwestuhan ng mga manlalaro. Pumipila ang mga manlalaro sa linya at hawak ang kanilang mga pamato ay isa-isa nilang susubukang patumbahin ang nakatayong lata. Hindi maaaring magbato ng pamato ang susunod na manlalaro hanggang napapatumba pa ng unang manlalaro ang lata.
LUKSONG BAKA
Kinabibilangan ito ng isang taya at ng dalawa o higit pang manlalaro. Ang taya ang siyang magsisilbing “baka” na kailangang lagpasan ng mga manlalaro. Habang tumatagal ang laro, tumutuwid ng tindig ang taya. Kailangan din itong hindi masagi ng mga manlalaro o ang alin mang parte ng katawan nito. Ang hindi makatalon o ang makasagi sa “baka” maliban sa kamay ang matataya. At babalik ulit sa simula ang laro. Isinasagawa ang larong ito sa isang malawak na lugar na walang magiging sagabal.
TAGUAN
Kahit ilang tao ay pwedeng sumali, ang kailangan lamang ay may tukuyin na “taya”. Ang sinumang matukoy na taya ay siyang magbibilang ng hanggang 30 habang nakapikit at nakasandal sa puno na nagsisilbing home base. Habang ang taya ay nagbibilang, ang mga kalaro ay naghahanap ng kanya kanyang mapagtataguan. Pagkatapos magbilang ng taya ay hahanapin na niya ang mga nagtago. Ang bawat nagtago naman ay hahanap ng paraan upang makapunta sa home base nang hindi nakikita ng taya sabay sisigaw ng “save”. Maliligtas mula sa pagkataya ang sinumang makapunta dito nang hindi nahuhuli. Matatapos lamang ang laro kung ang lahat ng manlalaro ay nakalabas na sa pinagtataguan.
KONGKLUSYON

Marami sa kabataan ngayon ay madalas na makikitaan na mayroong “gadgets” na hawak at nawawalan na ng oras na makihalubilo o makipaglaro sa ibang bata sa labas ng bahay. Importante na maipakita at malaro ng mga bata ngayon ang mga nakagisnang nating larong pinoy dahil maraming mabuting epekto ang maidudulot nito na dala natin hanggang pagtanda. Nagiging modernisado na ang ating pamumuhay ngunit hindi ibig sabihin noon ay kailangan nating baguhin ang ating mga nakasanayan.





